Rider lasog sa kotse

MANILA, Philippines - Dead-on-arrival sa ospital ang isang rider makaraang sumalpok ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang kotse matapos mag-counterflow sa one way traffic sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang biktima na si Omar Derico, residente ng   Gen. Luna St., Ampid 1, San Mateo, Rizal.

Si Derico ay nagawa pang maisugod sa East Avenue Medical Center (EAMC) subalit binawian din ito habang nilalapatan ng lunas. 

Nangyari ang insidente sa may kanto ng Eliptical Road at North Avenue sa lungsod ganap na ala-1 ng madaling-araw.

Diumano, sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima galing sa East Avenue patungong North Avenue nang pagsapit sa gawing Eliptical road ay diniretso nito ang one way traffic sa naturang lugar, para mapadali ang kanyang biyahe.

Subalit, nang papaliko na umano si Derico sa may North Avenue, hindi nito napansin ang papa­rating na Honda Civic (UNC-780) na minamaneho ng isang Joe Anthony Ramos at sumalpok.

Sa lakas ng impact tumilapon ng ilang metrong layo ang biktima mula sa kanyang motor dahilan para magtamo ito ng pinsala sa ulo at katawan.

Sinabi ni Escorpiso, hindi na nagawang maiwasan ni Ramos ang biktima dahil wala umano ito sa linya.

Show comments