Patay na sanggol nakita sa basura

MANILA, Philippines - Isang kasisilang pa lamang na sanggol na babae ang natagpuang walang buhay habang nakasilid sa isang kahon at itinapon sa tambak ng basura sa may Commonwealth Avenue sa lungsod Quezon kahapon. Ayon kay SPO1 Melchor Bernarte, desk officer ng Quezon City Police District Station 6, ang sanggol na tinatayang nasa edad na isang buwan ay nakita ng isang 13-anyos na nanga­ngalakal ng basura na si Gary Silquiña,sa may bahagi ng Commonwealth Avenue, corner Dupax St., Brgy. Old Balara, ganap na alas-5 ng umaga­. Sa pag-aakalang may makukuhang bagay na puwedeng ibenta ay binuksan ng binatilyo ang kahon kung saan natuklasan ang sanggol na nakabalot pa sa isang kulay pink na lampin. Agad na ipinabigay alam ng bata ang nakita sa opisyales ng barangay sa lugar na siya namang nagpabatid sa pulisya. Pinalalagay din nito na posibleng pagkasilang ay nasawi na ang bata, at ipinasyang itapon na lamang sa naturang lugar.

Show comments