MANILA, Philippines - Matapos ibasura ng Quezon City Prosecutor’s Office ang kasong falsification na iniharap ni Nadia Montenegro laban sa talent manager na si Annabelle Rama bumuwelta naman ang huli at naghain ng reklamo laban sa una dahil sa umano’y mapanirang pahayag nito sa twitter.
Hiniling ni Rama sa Quezon City court na sampahan ng indirect contempt si Montenegro bunga ng mga komento nito matapos na bawiin ang arrest warrants laban sa kanya sa kasong libel.
Si Rama ay naghain ng kasong civil nitong nakaraang Biyernes, kung saan nairaffle ito kamakailan kay Judge Santiago Arenas ng Regional Trial Court Branch 217.
Ang naturang tweet ay naipaskil nitong June 18 matapos na i-recall ni Judge Eleuterio Bathan ng Regional Trial Court Branch 92 ang warrants na inisyu niya isang linggo bago ito.
Sa walong-pahinang civil complaint ni Rama, ang tweet ay mababasang “May MILAGRO na naman na nangyari. I’m gonna get to the bottom of this! #mga bayaran”
Itong pampublikong ekspresyon ni Montenegro sa twitter, ayon kay Rama, ay tanda lamang para libakin siya at ang Quezon City court na nag-recall sa warrant of arrests matapos na kusa siyang sumuko sa korte.
Igiiniit ni Rama na dapat na i-contempt si Montenegro dahil sa ang tweet nito ay “nakadungis sa karangalan at integridad,” niya at ng korte.