MANILA, Philippines - Pinangunahan ng kompanyang Petron Corporation ang panibagong rollback sa mga produktong petrolyo na resulta umano ng patuloy na pagbaba sa presyo nito sa internasyunal na merkado.
Sa anunsyo ng Petron, nasa P1.20 kada litro ng Blaze, XCS premium at unleaded gasoline ang kanilang tatapyasin at P1.10 naman kada litro sa presyo ng regular na gasolina.
Mas maliit na P.50 sentimos naman kada litro ang ibabawas sa kada litro ng diesel at P.35 sentimos sa kada litro ng kerosene na epektibo dakong alas-12:01 ng hatinggabi.
Inaasahan naman na susunod sa naturang rollback ang iba pang kompanya ng langis na habang isinusulat ito ay wala pang opisyal na anunsyo.
Matatandaan na nitong nakaraang linggo ay una nang nag-anunsyo ang Department of Energy (DOE) sa panibagong rollback dahil sa namonitor nilang pagbaba sa presyo ng langis sa internasyunal na merkado dahil sa pagbaba ng pangangailangan ng mga bansa sa kanluran.