Ginang itinumba habang nagto-tong-its

MANILA, Philippines - Hindi na natapos ng isang ginang ang pagto-tong-its makaraang barilin nang malapitan sa ulo ng isang hindi pa nakikilalang salarin sa harap ng kanyang bahay sa Pasay City, kahapon ng madaling-araw.

Namatay habang gina­gamot sa Pasay City Ge­neral Hospital ang biktimang si Lucila Luna, 52, residente ng #2 Inocensio St., makaraang tumagos sa kanyang bungo ang bala ng kalibre .45 na ginamit ng salarin sa pamamaslang.

Ayon sa ulat, nagsusugal ang biktima dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang lumapit ang isang lalaki na nasa pagitan ng edad na 20-25 anyos at malapitang binaril ang biktima sa ulo.

Agad namang nagsitago ang mga kalaro ni Luna na sina Vanessa Jimenez, 27; at Hilga Obina, 34, sa takot na sila naman ang pagba­lingan ng gunman.

Tinangka namang saklolohan ng mga kaanak si Luna ngunit pinaputukan din ang mga ito ng salarin saka mabilis na tumakas lulan ng isang motorsiklo tungo sa hindi mabatid na direksyon.

Hinihinala ngayon ng pulisya na paghihiganti ang motibo ng krimen dahil sa lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na pinaghihinalaan umano ang ginang na may kinalaman o sangkot sa pagkamatay ng isang hindi pa nakikilalang bata sa kanilang lugar noong nakaraang buwan na posibleng dahilan ng pamamaslang sa kanya.

Show comments