MANILA, Philippines - Bugbog-sarado ang isang young actor sa mga kaibigan ng kanyang dating girlfriend sa isang bar sa Makati City kahapon ng madaling-araw.
Agad na isinugod ang biktimang si Albie Casiño,18, sa Makati Medical Center para sa paunang lunas habang kinilala naman ng ina nito na si Rina Casiño ang mga suspect na si Frank Magalona; Carlos Concepcion; alyas Lacson at Arce. Ang mga ito ay mga kaibigan umano ng young actress na si Andi Eigenmann.
Sa report na nakarating sa tanggapan ng Police Community Precinct 9, Makati City, naganap ang insidente dakong ala-1:00 ng madaling-araw sa Fiamma Bar, sa Jupiter St., Brgy. Bel-Air, ng nabanggit na siyudad.
Ayon sa ina ni Albie, nagkita umano ang dating magkasintahan sa nabanggit na bar na umabot sa mainitang pagtatalo.
Tinapunan ng alak at sinampal umano ni Andi si Albie na binalewala ng huli at ipinasyang umalis para hindi na lumaki ang gulo. Subalit sinundan umano si Albie sa parking lot ng mga suspect at pinalo ito sa ulo ng bote ng alak hanggang sa dumating ang mga bouncer ng bar na umawat sa gulo.
Nagpapagaling naman si Albie sa nasabing ospital matapos na sumailalim sa CT scan.
Desidido naman ang pamilya ni Casiño na magsampa ng kaso laban kay Eigenmann at mga kasama nito.