Lalaki hulog mula sa 15th floor ng condo

MANILA, Philippines - Isang tenant ng isang condominium ang namatay matapos na mahulog mula sa ika-15 palapag, sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng umaga.

Dead-on-arrival sa Lourdes Hospital ang biktimang si Mark Francisco, ng Room 1516 Ilumina Residencia, sa panulukan ng P. Sanchez at V. Mapa Sts., Sta Mesa, Maynila.

Sa inisyal na impormasyon mula kay SPO2 Domingo Ligutan, desk officer, ng Manila Police District-Station, dakong alas-9:35 ng umaga nang maganap ang insidente sa na­sabing condo building.

Isang Noel Habig, 43, na nasa swimming lesson ang naka­kita sa pagbagsak ng katawan ng biktima sa sementadong ground floor.

Naka-lock pa ang pintuan sa loob ng unit ng biktima at may terrace ito sa loob na posibleng pinagmulan ng kanyang pagkahulog. Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy pa ang imbestigasyon ng MPD-Homicide Section, para sa karagdagang impormasyon at kung tumalon, aksidenteng nahulog o may foul play sa kaso.

Show comments