Taxi driver patay sa boga ng 2 kelot

MANILA, Philippines - Patay ang isang taxi driver makaraang tambangan ng dalawang armadong suspect sa mismong garahe ng pinapasukang kompanya ng una sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Constantino Garcia, 25, residente ng Airforce Road Veterans Village, Brgy. Holy Spirit sa lungsod. Si Garcia ay nagtamo ng isang tama ng bala sa ulo at isa sa tiyan na ikinasawi nito.

Batay sa ulat ni PO2 Jogene Hernandez, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District, nangyari ang insidente sa garahe ng Padrino Taxi na matatagpuan sa Bonifacio Drive Wilther Heights, Brgy. Pasong Tamo sa lungsod, ganap na alas-5:30 ng madaling-araw.

Ayon sa pahayag ng saksing si Nelson Bartolome bago ang insidente, napansin umano niya ang dalawang lalaki na nakaupo sa bangketa sa nasabing lugar.

Ilang sandali ay dumating umano ang biktima at nang makita ng mga suspect ay saka tumayo at pinagbabaril ang una, saka nagsitakas.

Narekober naman ng awtoridad sa lugar ang dalawang basyo ng bala ng kalibre 45 na baril. Patuloy ang imbes­tigasyon ng pulisya sa insidente.

Show comments