Binatang nakipaglamay, ibinurol

MANILA, Philippines - Isang lalaki na nakipaglamay sa kanyang kapitbahay ang sumunod na ibinurol matapos na pagbabarilin ng isang lalaking lulan ng motorsiklo sa Mandaluyong City kahapon ng madaling-araw.

Tinangka pang isalba ng mga doktor sa Mandaluyong City Medical Center (MCMC) ang biktimang si Christian Cahilig, 22, ng Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City ngunit binawian din ng buhay bunsod ng mga tama ng bala na tinamo sa kanyang katawan.

Sugatan naman at patuloy na ginagamot sa MCMC ang kaibigan ni Cahilig na si Christian Yuchengco, 17, na residente rin ng Welfareville Compound.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nabatid na naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling- araw habang nakikipaglamay ang mga biktima sa kanilang kapitbahay.

Bigla na lang umanong dumating ang dalawang suspect sakay ng isang motorsiklo at nagpaputok ng apat na beses na ikinasawi ni Cahilig at ikinasugat ni Yuchengco.

Sa kabiglaanan ay wala namang nakakuha ng plaka ng motorsiklo ng mga suspect na mabilis na nagsitakas matapos ang krimen.

Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspect at motibo ng krimen.

Show comments