Jeepney driver, binoga ng pakialamero

MANILA, Philippines - Sugatan ang isang jeepney driver matapos na barilin ng isang hindi kilalang lalaki na nakialam lamang sa pakikipagtalo ng una sa tatlong lalaking magkakaangkas sa isang motorsiklo sa Pasig City kamakalawa ng gabi.

Ginagamot sa Pasig City Ge­neral Hospital ang biktimang si Ronald Niño Franco, binata, tubong Bohol at naninirahan sa Block 6, Lot 11, Lanzones St., Centennial II, Nagpayong Pinagbuhatan, Pasig City bunsod ng isang tama ng bala na tinamo sa kanyang katawan.

Dakong alas-8:00 ng gabi nang maganap ang krimen sa Sta. Cecila St., Nagpayong.

Ayon sa biktima, naglalakad siya kasama ang isang kaibigan nang mahagip umano sila ng isang motorsiklo na may sakay na tatlong lalaki.

Dahil dito, nagkaroon nang ma­initang pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng mga lalaking naka-motorsiklo.

Maya-maya umano ay nakialam na ang suspek na noon ay naglalakad lamang sa lugar at biglang bumunot ng baril saka binaril na lamang ang biktima.

Sa takot naman umano ng ka­ibigan at tatlong lalaking nakatalo ng biktima ay mabilis na rin nagsitakas ang mga ito. Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.

Show comments