MANILA, Philippines - Nangangailangan ang Philippine National Police (PNP) ng kabuuang 50,000 mga bagong recruits upang mapunan ang 140,000 lakas nito na naglalayong mapanatili ang kapayapaan sa mahigit 100 milyong mamamayan sa bansa.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome na aminadong kulang na kulang ang mga opisyal at miyembro ng pulisya.
Nabatid naman na unti-unti lamang ang recruitment ng PNP dahil hindi ito kayang tustusan ng kanilang pondo.
Ayon kay Bartolome, sa darating na Nobyembre ay sisimulan na ng PNP ang pagsasanay sa 6,000 mga bagong recruits.
Ito’y sa gitna na rin ng nakatakdang pag-alis sa serbisyo ng may 3,000 pulis na magreretiro, nagbitiw at mga nadismis.
Sa kasalukuyang ratio ng PNP, isang pulis ang gumaganap ng tungkulin sa bawat 743 katao na mas mababa sa ideal na 1:5 ratio.
Sa katunayan, ayon kay Bartolome, bunga ng kakulangan ng mga pulis ay 12 oras nagsisipagtrabaho ang mga pulis sa halip na 8 oras lamang at dito’y hindi na sila humihingi ng overtime pay.