Parak umawat sa away, tinarakan

Manila, Philippines - Hindi sukat akalain ng isang kagawad ng pulisya na ang ginawa niyang pag-awat sa dalawang babaeng nag-aaway ay muntik nang maglagay sa alanganin sa kanyang buhay makaraan siya ang pagbalingan ng isa na saksakin sa lungsod Quezon kamakalawa.

Masuwerte pa rin si PO2 Vicente Arugay, 43, nakatalaga sa Police Station 6 ng QCPD, dahil mababaw lamang ang tamang natamo nito sa leeg at kaliwang balikat at mabilis na nagamot sa East Avenue Medical Center.

Ang nanaksak na suspect na nakilalang si Rosie Inocensio Javier ay agad namang nawala sa nasabing lugar. Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Sitio Kaliwa Brgy. Batasan Hills, sa lungsod ganap na alas-8:30 ng gabi.

Bago ito, nakita ni Arugay ang suspect na armado ng patalim at isa pang di nakilalang babae na nag-aaway sa nasabing lugar.

Bilang alagad na batas, tinangka ni Arugay na awatin ang mga ito ngunit paglapit niya ay siya ang binalingan ng saksak ni Javier sa leeg at balikat saka mabilis na tumakas. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente habang hinahanap ang nasabing babae.

Show comments