'Herbert Bautista' tinodas

MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang Herbert Bautista, (kapangalan lamang ng Quezon City Mayor at dating aktor) nang resbakan ng kaalitan nito, sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Bautista, 27, binata, ng Maginoo St., Tondo, bunga ng tinamong bala sa katawan.

Tinutugis naman ang isang alyas “Rey Kuntil”, 38, na tumakas matapos ang insidente.

Nabatid sa ulat na dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa kanto ng Maginoo at Mabini Sts., Tondo, Maynila.

Nauna rito, sinundo ng biktima ang isang Rolando Branzuela, 32, binata, driver at sinabihang samahan siya sa nasabing lugar dahil may nakaaway ito.

Gayunman, pagdating sa nasabing lugar ay sumulpot ang suspect at pinagbabaril ang biktima. Sa halip na reresbak umano ang biktima, naunahan siyang resbakan ng suspect.

Show comments