Driver tinodas ng tinalo sa cara y cruz

MANILA, Philippines - Patay ang isang driver makaraang pagsasaksakin ng isang mister na nagalit matapos na talunin niya ito sa larong cara y cruz sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Nakilala ang nasawi na si Nestor Aguilar, 54, ng Purok 7, Block 21, Lot 2, Lupang Pangako, Brgy. Payatas B sa lungsod.

Tugis naman ng pulisya ang suspect na si Alejandro Tagal, alyas Bayoyong, 40, ng Purok 9, Block 23, Lot 9 ng nasabi ring lugar.

Ayon kay PO2 Hermogenes Capili, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may basketball court malapit sa bahay ng biktima ganap na alas-5:30 ng umaga.

Ayon kay Christian Aguilar, anak ng biktima naglalaro ang kanyang tatay at suspect ng cara y cruz nang magkainitan matapos na hindi umano magbayad ang natalong suspect sa kanyang tatay.

Diumano, sinisingil ng biktima ang suspect ng halagang P100 pero sa halip na magbayad ay nagalit pa ito at nagbunot ng patalim saka sinaksak ang una.

Matapos ang pananaksak ay agad na sumibat ang suspect habang ang biktima ay agad namang itinakbo ng kanyang anak sa Fairview General Hospital kung saan ito nasawi.

Show comments