Ginang umiwas sa holdap, patay sa pagtalon sa jeep

MANILA, Philippines - Sa takot na maholdap, isang ginang ang nasawi matapos piliing tumalon na lamang mula sa isang pampasaherong dyip sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Tuluyan nang binawian ng buhay sa Metropolitan Medical Center (Metropolitan Hospital) ang biktimang si Marian La­pinib, vendor, tubong Cebu at residente ng Mayhaligue corner Masangkay Sts., Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Det. Rommel Del Rosario ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-3:30-4:40 ng madaling araw sa loob ng isang pam­pasaherong jeepney (TAL 978) sa kanto ng CM Recto Avenue at Jose Abad Santos St., Tondo.

Nabatid na pa-northbound umano ang sinasakyang dyip ng biktima nang nagdeklara ng holdap ang mga suspect na nag­­panggap ding mga pa­sahero.

Habang nililimas ng mga suspect ang mahahalagang kagamitan, wallet at cellphone ng mga pasahero, nataranta umano ang biktima at biglang tumalon sa dyip hanggang sa  humampas ang ulo bago tuluyang lumaglag sa semen­tadong kalye.

Sinamantala pa ng mga suspect ang kondisyon ng  ginang at tinangay ang P8,000 cash na pera nito.

Isinugod ng mga nakakitang residente sa lugar ang ginang sa pagamutan kung saan ito tu­lu­yang namatay.

Show comments