Magkapatid patay sa sunog

MANILA, Philippines - Dalawang magkapatid ang nasawi kabilang ang isang 10-anyos na batang lalaki makaraang makulong ng apoy sa loob ng nagliliyab ng mga itong tahanan sa sunog na lumamon sa tat­long kabahayan sa Muntin­lupa City kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang mga nasawi na sina Edlyn Sandoval, 18; at nakababatang kapatid nitong si Mark, 10-anyos.

Nabatid na halos natusta ang katawan ni Mark ha­bang nasawi naman bunga ng “suffocation” si Edlyn. 

Kritikal naman ang isa pa nilang kapatid na si Lilian, 21-anyos, na nagtamo ng 3rd degree burn nang tang­kaing iligtas ang mga kapatid.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection ng Muntinlupa City, naganap ang sunog dakong alas-10:32 ng gabi. Nagmula umano ang apoy sa bahay ng mag-asawang Manases at Rodelyn Francisco sa Block 4 Lot 260 Sitio Bagong Silang, Sucat, ng naturang lungsod. 

Mabilis na kumalat ang apoy sa dalawa pang kata­bing bahay, kabilang ang tirahan ng pamilya Sandoval bago tuluyang naapula da­kong alas-12:09 ng ha­ting­gabi ng mga rumes­pondeng mga bumbero.

Samantala, tiniyak na­man ni Muntinlupa City Mayor Aldrin San Pedro na binabalangkas na nila ang mga kaukulang hakbang upang matulungan ang mga apektadong pamilya na nasunugan kamakalawa ng madaling-araw sa Brgy. Cupang sa nasabing lung­sod.

Nabatid na aabot sa 1,000 kabahayan ang tinu­pok ng apoy sa nasabing insidente na nagresulta sa pagkawala ng tirahan ng may 5,000 katao.

Patuloy naman ang pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng pagkain at ilan pang mga kinakailangang kagamitan sa mga nasunugan, kabi­lang ang kumot, banig at inuming tubig.

Show comments