MANILA, Philippines - Patay na nang madiskubreng nahulog sa isang maburak na estero ang isang 4-anyos na batang lalaki, matapos matulog sa nakaparadang tricycle, sa Tondo Maynila kahapon ng umaga.
Dakong alas-7 na ng uma ga nang makitang lumulutang sa Estero de San Lazaro, sa Old Antipolo St., Tondo, ang biktimang kinilalang si Cholo de Jesus, na sinasabing kararating pa lamang sa Maynila noong Huwebes, mula sa Tarlac, Tarlac. Inihatid ito ng kaniyang lola sa tiyuhing si Danilo de Jesus, 19, tricycle driver at walang permanenteng tirahan sa Maynila.
Sinabi ni Danilo na katabi niyang natulog sa pampasada niyang tricycle ang paslit dakong alas-2 ng madaling- araw. Dakong alas-7 ng umaga ay ginising siya ng helper sa isang auto parts merchandising na si Domingo Lavenia at sinabing nakalutang na sa estero ang kanyang pamangkin.
Sa imbestigasyon ni Det. Gerry Amores ng Manila Police District-Homicide Section, posibleng aksidente ang pagkakahulog ng biktima sa estero dahil walang harang o gutter ang gilid ng estero kung saan nakaparada ang tinulugang tricycle ng biktima at tiyuhin nito.
“Hiwalay ang magulang ng biktima kaya iniwan na lamang ito sa kanyang lola, kakaluwas lamang nila noong isang araw, ” ani Amores.
Gayunman, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito. (Ludy Bermudo)