3 holdaper timbog sa checkpoint

MANILA, Philippines - Arestado ang tatlong kila­bot na holdaper na katatapos lamang mambiktima maka­raang masakote sila sa ini­latag na checkpoint ng pulisya at Commission on Elections kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Nakilala ang mga suspek na sina Arnel Gatus, 39, ng Makati City; Raymond Sergio, 20; at Paul Vincent Gatdula, 18, kapwa ng Pasay City.  

Narekober sa mga suspek ang tatlong patalim at isang itim na bag pambabae na may lamang dalawang kuwintas, damit pambabae, at ID card na nakapangalan sa isang Analyn Silva ng Dance Sports Phils.

Nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Police­ Community Precinct 2 sa pangunguna ni P/Insp. Pedro Lacanlale Jr. sa may Taft Avenue­ malapit sa Gil Puyat Avenue dakong alas-3:00 ng madaling araw nang masabat nila ang tatlong suspek lulan ng isang itim na motorsiklo. (Danilo Garcia)

Show comments