Holdaper tigok sa pulis

MANILA, Philippines - Nabaril at napatay ng pulis Quezon City ang isang  holdaper makaraang pumalag ito matapos tangkaing hulihin ng grupo ng una matapos makapambiktima, kahapon sa Quezon City.

Sa pamamagitan ng Tax Identification Number (TIN) nito,  nakilala lamang ang nasawi sa pangalang Sac Anicete, residente ng Malusak, Magpog, Marinduque. Ang suspek ay napaslang makaraang isumbong sa pulisya ng biktimang si Mark David, 30, dancer, ng Letre Road Malabon City ang ginawang panghoholdap sa kanya.

Base sa ulat, naganap ang panghoholdap dakong alas-4 ng madaling-araw sa tapat ng isang mall na mata­tagpuan sa North Avenue, Edsa, Quezon City.

Sinasabing tinutukan ng suspect ng baril ang biktima at saka kinuha ang cellphone saka tumakas.

Agad namang nagsumbong sa pulisya ang biktima sa QCPD Station-2 kung kaya’t inikutan ng mga pulis ang  lugar at dito nakitang naglalakad ang suspek na hinihinalang titira na naman.

Bago pa man nakalapit ang mga awtoridad nagpa­putok na ang suspek kung kaya’t napilitan silang gumanti ng putok na nagresulta sa agarang kama­tayan nito. (Angie dela Cruz)

Show comments