Sekyu todas kay sir

MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang 33- anyos na security guard matapos paputukan ng baril sa mukha at dibdib ng kaniyang officer-in-charge (OIC), habang kapwa naka-duty sa isang gusali, sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.

Kinilala ang nasawing biktima na si Gerlado Tanon,   security guard ng Top Security Agency na naka-assign sa Meiling Tower sa 1113 Aguilar St., Sta. Cruz, Maynila at residente ng Tiwala St., Brgy. Basora, Valenzuela City.

Ang suspek na si Jose Joaquin Jr., 39, OIC ng Top Security Agency at residente ng Laong Nasa St., Tondo, ay mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.

Naganap ang insidente dakong alas-5:45 ng umaga sa loob ng Meiling Tower sa Sta. Cruz, Maynila.

Sa pahayag ng kasamahang sekyu na si Emerson Guansing, nakarinig lamang siya ng mga putok ng baril na nagmula sa puwesto ng biktima at nang kaniyang tunguhin ay nakita niya ang suspek na hawak ang kalibre .38 baril at mabilis umanong tumakas.

Dating alitan ang sinisilip na motibo sa naganap na krimen. (Ludy Bermudo)

Show comments