Sa Greenbelt 5 holdap: Precinct commander sinibak

MANILA, Philippines - Sinibak kahapon ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang isang Police Precinct Commander ka­ugnay sa naganap na holdap sa Green­belt 5 sa Makati City na nauwi sa shootout ma­tapos mapatay ang isang hinihina­lang notoryus na miyembro ng isang organi­sadong grupong kriminal kamakalawa.

Kinilala ang pinatawan ng ‘administrative relief’ na si Police Precinct Commander (PCP) 6 Commander Chief Inspector Merquiodi Bodano.

Sinabi ni Verzosa na ang hakbang ay kaugnay ng com­mand responsibility dahilan sa ang presinto nito ang may hurisdiksyon sa seguridad ng Greenbelt 5 kung saan nang­yari ang pagnanakaw sa isang Rolex Store sa na­sabing establisimento.

Sa kasalukuyan, ayon sa PNP Chief ay patuloy ang hot pursuit operations laban sa organisado at mapanganib na grupo ng mga suspect na hini­hinalang miyembro ng Alvin Flores gang.

Kaugnay nito, sinabi ni Verzosa na dapat makipag-ugnayan muna ang mga nangangasiwa sa seguridad ng isang mall sa PNP at ala­min kung may lehitimong ope­rasyon sa lugar bago papasu­kin ang mga dumaraan sa entrance ng mga malls at iba pa lalo na’t nagpapakilalang pulis.

Nitong Linggo (Oktubre 18) ay nilooban ng mga unipor­mado na nagpakilalang miyem­bro ng Special Action Force (SAF) at Bomb Squad ng PNP ang puwesto ng Rolex sa loob ng Greenbelt 5.

Ayon kay Verzosa, lumi­litaw sa imbestigasyon ng PNP na modus operandi ng mga organisadong kriminal ang magsuot ng uniporme ng mga pulis at magpakilalang mga awtoridad upang madali ng mga itong maisagawa ang kanilang mga pakay.

Samantala , pinarangalan na ang dalawang pulis na bodyguard ni Taguig City Mayor Freddie Tinga na ma­tapang na nakipagbarilan sa mga armadong holdaper. Sina SPO1 Cesar Tiglao at PO1 Efren Ceniza ay iprinomote na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa su­sunod na ranggo at binigyan ng meritorious awards sa pagreresponde sa insidente kung saan isa sa mga suspect ang napaslang.

Show comments