MANILA, Philippines - Nagdagdag ang Quezon City Hall ng mga dump trucks at payloaders para sa mas mabilis na paglilinis at pangongolekta ng basura dito lalo na sa mga ilog at estero, na iniwan ng bagyong Ondoy.
Ang pamahalaang lungsod ng Quezon City ay patuloy pa rin sa pagsasagawa ng malawakang clean-up operation sa pamamagitan ng Environmental Protection and Waste Management Department nito kung saan may 362 garbage trucks at 17 payloaders ang nag-ooperate ngayon sa mga lansangan dito. Ang ibang gamit naman ay mula sa Department of Public Works and Highways at mula sa mga barangay.
Una ng inilunsad ni Mayor Feliciano “SB” Belmonte Jr. ang cleanup operations sa Araneta Avenue upang hikayatin ang mga residente na malapit sa mga ilog at iba pang waterways na makiisa sa paglilinis dito para maiwasan ang pagbaha.
Kabilang din sa nasabing proyekto ang mga pulis, fire personnel at reservists.
Ang Quezon City river system ay kinabibilangan ng apat na pangunahing ilog at 37 creeks na umuugnay sa may 101 barangay. Ang QC ay may 142 barangay. Ang pinaka mahabang river channel sa QC ay ang Tullahan River at ang pinakamalaki ay ang San Francisco del Monte-San Juan River System. (Angie dela Cruz)