Kelot pinagbabaril todas

MANILA, Philippines – Patay ang isang 49-anyos na lalake matapos na tadtarin ng bala ng hindi nakikilalang salarin na hinihinalang nag-ugat sa umano’y onsehan sa droga sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw. Kinilala ang nasawi na si Renato Villagracia, 49, masahista at nakatira sa 9 Purok 1, Luzon Ave. Brgy.Culiat Q.C.

Sa inisyal na report, nangyari ang insidente sa loob ng Al Salaam Compound sa naturang barangay, dakong alas-2 ng madaling-araw Bago ito, nakitang nakikipag-usap sa isang lalaki ang biktima sa Libyan St. kanto ng Mujahiden St. nang bigla na lamang itong pinagbabaril ng ilang ulit ng suspect at saka mabilis na tumakas papalayo sa lugar ang huli.

Ayon sa pulisya sa sistema ng pamamaril sa biktima ay posibleng matindi ang galit nito sa kanya. Nagtamo ang biktima ng isang tama ng bala sa ulo, isa sa leeg at pito sa katawan. Posible ring hindi lamang isa kundi dalawa ang tumira sa biktima dahil sa dami ng balang pinakawalan nila dito. (Ricky Tulipat)

Show comments