Tren ng LRT nadiskarel

MANILA, Philippines – Daan-daang mga pasahero ang na-stranded nang ma-diskarel ang tren ng Light Rail Transit (LRT) Line-1, kahapon ng umaga. Ayon kay LRT Administrator Mel Robles, unang nagka-problema ang hydraulic ng makina ng tren kung kaya’t napilitan silang hilahin ito mula sa riles patungong Baclaran station. Nabatid na malapit  na sana sa Monumento station ang naturang tren dakong alas-7:01 ng umaga nang maramdaman ang pagbagal ng takbo nito kaya napilitan ang train operator na ihinto ang tren.

“Medyo nag-drop yung pressure at kapag nag-drop ang pressure ay hindi nagbubukas ang pinto,” ayon kay Robles. Dakong alas-7:58 naman ng umaga nang muling ibalik ang biyahe nito na naging dahilan para maantala ang biyahe ng mga naghihintay na pasahero sa ruta ng Taft Avenue hanggang Rizal Avenue.

Samantala, bilang tugon sa panawagan ng National Council for Commuter Protection (NCCP), pinasimulan na kahapon ng umaga ng pamunuan ang LRT at Metro Rail Transit (MRT) ang pag-disenfect sa lahat ng kanilang mga tren.

Ayon kay Robles, ang mga ng tren ay bubugahan ng dis­infectant sa loob ng 30 segundo bago ito payagang maka­pagbiyahe. Layunin umano ng proseso na mapangalagaan ang kalusugan ng mga commuters na madalas na sumasakay sa LRT at MRT para hindi na mahawa pa sa pagkalat ng In­fluenza A(H1N1) virus. (Rose Tamayo-Tesoro at Danilo Garcia)


Show comments