MANILA, Philippines – Kinumpirma kahapon ng pamilya Barrameda na nakatanggap sila ng mga pagbabanta sa kanilang buhay kung saan maging sila ay ipapapatay rin umano kapag ipinag-patuloy ang kaso.
Ayon sa aktres at dating beauty queen na si Rochelle Barrameda, sa kabila na may mga text messages na silang natatanggap na pagbabanta sa kanilang buhay ay hindi nila iuurong ang sinimulang laban para mabigyan ng hustisya ang karumal-dumal na pagpatay sa kapatid nitong si Ruby Rose Barrameda-Jimenez.
Nakasaad umano sa mensahe na huwag na nilang ituloy ang kaso dahil kung magpupumilit silang isulong ito ay may mangyayaring masama sa kanyang buhay pati na ang kanyang pamilya.
Gayunman, nanindigan ang actress na tiwala sila sa proteksiyong ibinibigay ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) kung kaya’t hindi sila natatakot anuman ang kahinatnan sa pagsusulong nila sa kaso.
Maliban dito, patuloy din umanong lumalakas ang kaso laban sa pamilya Jimenez dahil may tatlo pang lumabas para maghain ng asunto laban sa mga ito. Ang tatlo umano ay nawalan din ng mahal sa buhay at may malaking hinalang ang mga Jimenez ang nasa likod ng pagkawala ng mga biktima na posibeng pinaslang gaya ng pagpatay kay Ruby Rose. (Rose Tamayo-Tesoro)