MANILA, Philippines - Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga dayuhang miyembro ng People for the Ethical Treatment (PETA) dahil sa pagsama-sama sa mga isinasagawang kilos protesta ng grupo.
Ginawa ni BI Commissioner Marcelino Libanan ang nasabing babala matapos ang paglahok ng ilang kababaihang dayuhan sa isinagawang protesta ng PETA sa Manila Zoo kamakailan.
Ang mga nasabing dayuhan ay nakasuot lamang ng two-piece bikini habang isinasagawa ang protesta. Dahil dito nakaagaw pansin ang ginawang iyon ng mga miyembro ng PETA sa kalagitnaan ng Adriatico St. sa Maynila.
Ayon kay Libanan, kung mapapatunayang may nilabag sa kultura ng bansa ang ginawang pagra-rally ng mga nasabing dayuhan ay maari silang maipatapon palabas ng bansa.
Paliwanag ni Libanan, maaari nilang ipag-utos ang pagpapa-deport sa mga dayuhang lumalahok sa mga ganitong uri ng “mass actions”, dahil hindi umano dapat abusuhin ng mga ito ang hospitality at pribilehiyong ibinibigay sa kanila para makapanatili sa bansa. Maaari rin umano silang mailagay sa blacklist ng BI at hindi na mapayagan pang makapasok muli sa bansa.
Sinabi ni Libanan na hindi dapat nanghihimasok sa mga ganitong uri ng usapin ang mga dayuhan, dahil tila nakikialam sila sa internal affairs ng bansa. At dahil pumasok aniya dito sa bansa bilang mga turista ang mga nasabing dayuhan, malinaw na paglabag sa kondisyon ng kanilang pagiging temporary visitors ang kanilang partisipasyon sa mga ganitong pagkilos.
Base sa ulat na tinanggap ng BI, kabilang sa mga dayuhang lumahok sa nasabing protesta ay ang Canadian na si Ashley Fruno, Australian na si Fawn Porter at si Maria Salom mula sa Argentina.
Sa travel records ng BI, lumilitaw na si Fruno ay dumating sa bansa noong November 25, 2008 bilang turista.
Habang wala namang arrival record na nakita sa database ng BI hinggil sa pagdating sa bansa nang mga pangalang Fawn Porter at Maria Salom. (Gemma Amargo-Garcia)