May 50 piraso ng lumang bomba ang nahukay sa isang construction site sa compound ng United States Embassy sa Ermita, Maynila kamakalawa.
Sa ulat ng Manila Police District-Explosives and Ordnance Division, lumilitaw na ang mga World War II bombs ang nadiskubre dakong alas-6 ng gabi kamakalawa sa compound ng embahada sa Roxas Boulevard sa Ermita.
Dahil naman dito, kaagad na pinaalis sa lugar ang mga empleyado at bisita ng embahada at ang mga construction workers na gumagawa sa site para sa kanilang kaligtasan.
Nauna rito, nabatid na naghuhukay ang mga construction worker sa lugar gamit ang isang backhoe para sa pundasyon ng bagong gusali na itatayo sa compound ng embahada malapit sa Manila Bay nang makita nila ang mga bomba.
Kaagad naman nila itong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad at nang hukayin ng mga bomb experts ay nakakuha sila ng may 50 piraso ng mga mortar at artillery mula sa site.
Dahil sa dami ng mga nahukay na vintage bombs, naniniwala ang mga awtoridad na posibleng dating taguan ng mga ammunition ang lugar.
Maaari pa rin umanong sumabog ang mga naturang vintage bombs kaya maswerte umanong hindi sumabog ang mga ito.
Posible ring marami pang bomba na nakabaon sa lugar kaya ipagpapatuloy pa rin nila ang operasyon upang marekober ang mga ito.