Kinarnap na SUV ng anak ni Chavit Singson, nabawi

Bumagsak sa mga elemento ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang isang big-time most wanted carnapper at live-in partner nito na responsable sa sasakyan  ng anak ni dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit “ Singson sa isinagawang buy-bust operation sa Makati City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang mga suspect na sina Roger “Ogie” Dominguez, sangkot sa serye ng carnapping sa iba’t ibang bahagi ng bansa at ang live-in partner nito na si Mysanwy Magsino, empleyado ng PS Bank.

Ayon sa ulat,  ang mga suspect ay nasakote ng PNP-HPG 4A  sa isinagawang buy-bust operations sa Ayala, Makati City bandang alas-2:30 ng hapon kamakalawa.

Si Dominguez ay itinuturing na most wanted car­napper na aktibong nag-ooperate sa Central Luzon at maging sa Metro Manila. Ang mga ito ay nasakote sa aktong ibinebenta ang isang Toyota Fortuner na may plakang ZHS-953 sa halagang P 1.1 M sa poseur-buyer ng PNP-HPG sa  Cavite.

Tinangka pa umano ni Dominguez  na bumunot ng baril matapos na matunugan ang presensya ng mga awto­ridad subali’t naagapan ito habang papatakas. Sa imbestigasyon ay natukoy naman na ang na­sa­bing na­ rekober na behikulo ay pag-aari ni Kimberly Sing­son, anak na babae ni dating Governor Chavit Singson na ­tinangay ng tatlong carjackers na naka­suot ng bonnet sa Quezon City noong Hulyo 13 mula sa nasabing biktima at driver nitong si Teresito Brinosa. (Joy Cantos)

Show comments