Napagalitan ng amo, helper nagbigti

Dahil  napagalitan ng amo,  isang 23-anyos na helper ang nagbigti kamakalawa ng gabi sa Malabon City. Patay na nang idating sa Alfonso Medical Center ang biktimang si Rogie Mondioya,  stay-in sa Caniera Ville, Relocation Area, Dulong Bautista St., Brgy. Panghulo ng lungsod.  Sa inisyal na imbestigasyon ng Malabon City Police, dakong  alas-6:45 ng gabi nang makitang nakabigti ng nylon cord ang biktima sa bodega ng nasabing bahay.  Bago ang pagpapatiwakal, napagalitan ng kanyang among si Daniel ang biktima dahil inuna pa nito ang pag-inom ng alak sa halip na  ayusin ang kanilang bubong na sinira ng bagyong Frank. Nawala ang biktima at nang magpunta sa bodega si Joe Anthony Chavelia, 13, anak ng amo ng biktima, ay laking gulat nito nang makitang nakabigti ang biktima. Agad humingi ng tulong ang bata sa kanyang ama at dinala sa nasabing ospital ang biktima, ngunit hindi na ito umabot ng buhay. (Lordeth Bonilla)

Show comments