Riding-in-tandem muling sumalakay

Sa kasagsagan ng pagbu­bukas ng klase ay muli na namang sumalakay ang mga miyembro ng riding-in-tanden gang at tangayin ang mahigit sa P.2 milyon ng isang trader na nakatakda sanang i-deposito ng una sa isang banko, kahapon ng umaga sa Pasay City.

Dahil sa sobrang takot ma­tapos na tutukan ng   baril ay wala umanong nagawa ang negosyanteng si Danilo Manalo, 60, residente ng 34 Honorata St., Pasay City at may-ari ng isang sangay ng 7-11 nang hab­lutin mula sa kanya ng dalawang suspect na pawang nakasakay sa isang motorsiklo ang kan­yang pera.

Ayon sa salaysay ng biktima sa pulisya, dakong alas-9:30 ng umaga nang holdapin siya ng mga suspect at ang  P240,000 na kinita sa tatlong araw ng kanyang 7-11 convenient store na nasa kanto ng Libertad  F.B. Harrison Sts., Pasay City.

Lulan umano ang biktima sa kanyang motorsiklo na may plakang PI-3433 patungong banko nang harangin ng mga suspect sa kanto ng William at F.B. Harrison Streets.

Ang mga suspect ay magka­angkas umano sa isang motor­siklo na may tatak na “for regis­tration” sa likuran ay  mabilis na tumakas matapos ang insi­dente. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments