Dalawa na namang hinihinalang mga holdaper na “riding- in-tandem” ang nasawi matapos na makipagbarilan sa mga tauhan ng Quezon City Police District kahapon ng madaling- araw.
Patuloy na kinikilala ng mga awtoridad ang dalawang napaslang na suspek na kapwa nasa pagitan ng edad na 30-35 anyos. Narekober sa mga ito ang dalawang kalibre .38 baril na ginamit ng mga ito sa pakikipagbarilan sa mga awtoridad.
Sa inisyal na ulat ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, naganap ang barilan dakong alas-2:30 ng madaling-araw sa Timog Avenue malapit sa Scout Fuentebella. Nabatid na nagsasagawa ng patrulya ang mga pulis nang mamataan ang dalawang suspek sakay ng isang motorsiklo na walang plaka na tinangka nilang parahin.
Sa halip na huminto, pinaharurot ng mga suspek ang motorsiklo sanhi upang habulin ang mga ito ng mga alagad ng batas. Sinabi ng pulisya na nagpaputok ang mga suspek habang tumatakas kaya gumanti sila ng putok kung saan tinamaan ang dalawa. Sinabi ni QCPD Director Sr. Supt. Magtanggol Gatdula na malaki ang posibilidad na holdaper ang mga suspek at nag-aabang ng mabibiktima sa naturang lugar. Hindi naman nakalusot ang mga ito matapos na kanyang ipag-utos ang mas pinaigting na police visibility sa naturang lugar.
Idinagdag din ni Gatdula na aabot na sa higit 20 hinihinalang mga holdaper na riding-in-tandem ang napatay na buhat noong katapusan ng taong 2007 sa iba’t ibang lugar sa Quezon City sa mga insidente ng shootout.