Pulis,  holdaper  nagsagupa: 1 sugatan

Ginagalugad ngayon ng mga tauhan ng Quezon City Police ang mga paga­mutan at klinika sa lugar na kanilang nasasakupan ma­tapos na sugatang tuma­kas ang isa sa tatlong mga holdaper na kanilang na­sagupa kahapon ng umaga sa nabanggit na lungsod.

Ang hakbang ay ibini­gay ni QCPD District di­rector Senior Supt. Mag­tanggol Gatdula matapos ang naganap na shootout kahapon.

Kasabay nito, nanawa­gan din si Gatdula sa mga tauhan ng mga pagamutan na agad makipag ugnayan sa pulisya kapag may pasyenteng dinala sa ka­nilang pagamutan na may nasugatan dahil sa tama ng bala ng baril.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD) Mobile Unit naispatan ng mga pulis ang Toyota Co­rolla car (THV 750) na dala ng mga suspek dakong alas-10 ng umaga sa tapat ng isang grocery store sa Cubao Area.

Una nang sinita ang mga suspect dahil sa ma­tinding   pagka- tint ng sala­min ng sasakyan  at dahil na rin sa kahina-hinalang kilos ng mga ito. Gayun­man, agad na pinaputukan ng mga suspect ang awto­ridad na humantong sa gun-running battle.

Nakorner ng mga pulis ang sasakyan ng mga suspek sa may Hemady St. sa kanto ng 3rd st. New Manila Q.C., pero mabilis din silang naka-eskapo. Isang Pajero (WRH-719) na pag-aari ni Ronald Arroyo ang hinumander ng mga suspect na ginamit sa tuluyang pagtakas. Sina­sabing ang grupo ay ka­bilang sa “Sibuyas Gang” at isa sa mga tumakas ang tinamaan at nasugatan ng mga pulis. (Angie dela Cruz)

Show comments