Sinampahan ng Caloocan City Police-Investigation and Detective Management ng kasong pagnanakaw si Peting at dalawa pang kasabwat nito sa pagnanakaw ng differential assembly at I-beam assembly na nagkakahalaga ng P60,000 kay Robert Lures, kagawad ng Barangay 69.
Kinilala ang isa pang akusado na si Orlando Chua ng Baltazar extension, Caloocan City. Kasalukuyang nakakulong si Chua habang si Peting at ang isa pa nilang kasama ay nakatakas.
Batay sa dokumentong isinumite ni Chief Inspector Jose Valencia, hepe ng SIDM, sa Office of Caloocan City Pro secutor, bandang 3:30 ng hapon, Pebrero 23, nakita ng mga saksi ang mga suspect na kinukuha ang differential assembly at I-beam assembly ni Lures.
Gumamit umano ang mga suspect ng forklift upang maikarga sa isang Elf truck ang mga nasabing gamit saka tumakas.
Nang malaman ng biktima ang pangyayari, agad nilang pinuntahan ang bahay ni Chua. Nakita roon ang suspect na nag-aayos ng kanyang mga damit at gamit upang tumakas.
Sa imbestigasyon ng pulisya, inamin ni Chua kung saan nila ibinenta ang mga gamit at kinilala ang isa niyang kasabwat na si Peting.
Kamakailan lang ay inaresto ng Pampanga police si Peting at apat niyang kasamahan sa pagtatangkang dukutin ang isang technician na dati rin umano nilang kasamahan. Sa isinagawang drug test ng Pampanga police, lumabas na positibo sa bawal na gamot si Peting at ang apat na kasamahan nito. (Ellen Fernando at Ricky Tulipat)