Brgy. kagawad dedo sa ambush

Dead-on-the-spot ang isang barangay kagawad makaraang magtamo ito ng tatlong tama ng bala sa ulo matapos na tambangan at rapiduhin ng tatlong armadong kalalakihan, kamakalawa ng hapon sa Malabon City.

Nakilala ang nasawi na si Primo Arriola, 50, ng Brgy. Acacia ng nabanggit na lungsod.

Ayon sa ulat, dakong alas-5:10 ng hapon nang maganap ang insidente malapit sa bahay ng biktima sa Basilio St., Brgy. Acacia.

Napag-alaman na kalalabas pa lamang ng biktima sa kanyang bahay para tumungo sa tindahan nang bigla itong harangin at pagbabarilin ng tatlong armadong suspect.

Tatlong bala ng kalibre .45 baril ang bumaon sa ulo ng biktima dahilan upang agaran itong masawi.

Malaki ang hinala ng pulisya na may kinalaman sa droga ang motibo ng mga suspect sa pamamaslang sa biktima.

Ayon na rin sa mga residente, kilala ang nasabing brgy. kagawad bilang isang mahigpit na ‘crusader’ laban sa talamak na bentahan ng droga sa kanilang lugar.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ukol dito. (Rose Tamayo)

Show comments