1 sa 5 dawit sa gang rape, arestado

Isa sa limang kalalakihan na sinasabing halinhinang gumahasa sa isang high school student ang dinakip ng mga awtoridad, kamakalawa sa Pasay City.

Nakilala ang nadakip na si Glen Legada, 19, walang trabaho ng Malibay, Pasay City.

Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga awtoridad laban sa apat pang suspect na sangkot sa gang-rape.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang panghahalay sa biktimang itinago sa pangalang Micaela, 14, ng Pasay City East High School dakong alas-5:50 ng hapon sa bahay ni Ronaldo Pajinado, sa 704 Apelo Cruz, Malibay.

Nabatid na bago ito, tinawagan ang biktima ng kaibigang si Mary Jane Gabaya at pinapunta sa bahay ni Pajinado. Dahil sa tiwala ay nagpunta naman ang biktima na doon ay dinatnan niya si Gabaya at Pajinado kung saan ikinulong siya sa isang kuwarto.

Nabatid na umalis ang dalawa at naiwang nag-iiyak ang biktima hanggang sa dumating ang limang kalalakihan kabilang si Legada at doon ay halinhinang hinalay ang biktima.

Matapos maisakatuparan ang balak, iniwan ng mga suspect ang biktima at nang umuwi ito sa kanilang bahay ay agad na ipinagtapat sa kanyang mga magulang ang nangyari.

Mabilis naman silang nag-report sa pulisya at isinagawa ang follow-up operation na dito nadakip nga si Legada. Patuloy naman ang manhunt operation ng pulisya laban sa iba pang suspect. (Lordeth Bonilla)

Show comments