Pagpiprisinta ni Roldan ng ebidensiya naudlot

Nabigong iharap ng kampo ni dating Quezon City Rep. at aktor na si Dennis Roldan ang ebidensiya nila na umano’y babago ng takbo ng istorya sa kasong kidnapping-for-ransom na kinakaharap nito matapos na hindi matuloy ang isinasagawang pagdinig dahil sa pagkakasakit ng hukom.

Kahapon ang itinakdang araw upang iharap ng depensa ang kanilang witness sa Pasig Regional Trial Court Branch 261 sa sala ni Judge Agnes Carpio subalit ini-reset ito sa February 21.

Subalit ipinahayag ni Atty. Dodjie Encinas, council ng iba pang akusado, na sina Noel at Rowena San Andres, na siguradong yayanigin ng isasalang nilang witness ang isinasagawang pagdinig.

"Vital witness ang ipi-present namin na makakapag-establish ng innocense ng mga akusado. Hindi namin alam kung ilang witnesses ang ipi-present namin pero yung unang witness ang talagang yayanig sa inyo," saad ni Encinas.

Idinagdag pa nito na ang gagawing pagtestigo ng bagong witness ang magbabago ng scenario ng kaso.

Matatandaang si Roldan, kasama ang lima pa ay inakusahan sa isinagawang pagkidnap sa isang 3-anyos na batang Filipino-Chinese noong Pebrero 9, 2005.

Sa Pebrero 21 ang susunod na pagdinig ng kaso kasabay ng pagdiriwang ng rescue operation ng Police Anti-Crime and Emergency Response (PACER) sa biktimang si Kenshi Yu sa Cubao, Quezon City. (Edwin Balasa)

Show comments