2 biktima ng salvage natagpuan

Dalawang lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution ang lumutang kahapon ng madaling-araw sa isang creek sa Binondo, Maynila.

Nakilala ang mga biktima na sina Joseph Baliga, 32, pedicab driver at si Henry Mangalonzo, 36, kapwa residente ng Llana St., Tondo.

Sa ulat ng MPD-Homicide Section, natagpuan ang dalawang bangkay dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa creek sa may panulukan ng Recto Avenue at Reina Regente St., Binondo.

Nadiskubre ito nina William Capongcol, ng Brgy. 292 Zone 8 District 3 na nagsasagawa noon nang pagpapatrulya sa nasabing lugar.

Nakalagay sa tig-isang sako ang bangkay ng dalawang biktima.

Sa isinagawang eksaminasyon sa bangkay ng dalawa, nagtamo ang mga ito ng mga saksak sa katawan.

Malaki ang paniwala ng pulisya na sa ibang lugar pinaslang ang mga biktima at itinapon na lamang sa naturang creek. (Danilo Garcia)

Show comments