Lolo nang-rape ng 16-anyos na maid, timbog

Isang 60-anyos na lolo ang dinakip ng pulisya matapos umano nitong halayin ang kanyang 16-anyos na katulong, kamakalawa sa Pasay City.

Nakapiit ngayon sa Pasay City Police at nahaharap sa kasong two counts ng rape ang suspect na si Angel Jardin, ng Block 2 Lot 2, Radar Technical Village ng nabanggit na lungsod.

Ang biktima naman ay itinago sa pangalang Aisa, stay-in na katulong sa bahay ng suspect.

Base sa reklamo ng biktima sa tanggapan ng Pasay City Police Women and Children’s Complaint Desk, naganap ang insidente dakong alas-2 ng hapon sa bahay ng suspect sa nabanggit na lugar.

Naliligo umano siya nang pasukin ng suspect sa banyo na may dalang patalim.

Dito umano siya tinutukan ng suspect at saka dalawang beses na pinagsamantalahan.

Matapos ang insidente, agad na nagsumbong ang biktima sa kanyang tiyahin na nagsama sa kanya sa paghaharap ng reklamo sa pulisya at nagresulta naman sa pagkaaresto sa lolong suspect. (Lordeth Bonilla)

Show comments