Pasyente natagpuan sa poso-negro ng ospital

Isang bangkay ng 19-anyos na lalaki na may diperensiya sa pag-iisip ang natagpuan sa loob ng poso-negro ng isang ospital, kamakalawa ng hapon sa Mandaluyong City.

Ang biktima ay nakilalang si Roberto Gonzales, psychiatric patient ng Jose Fabella Medical Center at residente ng 321 Bagong Silang, Caloocan City. Ito ay natagpuang naaagnas na sa loob ng poso-negro ng nasabing ospital.

Sa ulat, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-3 ng hapon sa loob ng septic tank ng nasabing ospital na matatagpuan sa Correctional Road, Brgy. Addition Hills, ng lungsod na ito.

Nabatid na isang masangsang na amoy ang kumalat sa pasilyo ng ospital kaya hinanap ng mga empleyado ang pinanggagalingan nito. Nang matukoy na galing sa poso-negro ang amoy ay agad na binuksan ito ng mga kawani ng ospital at laking gulat nila nang tumambad sa kanilang harapan ang naaagnas nang bangkay ng biktima na nakalutang doon.

Napag-alaman pa sa imbestigasyon ng pulisya na noong Hulyo 1 pa nawawala ang biktima kaya inisip ng mga kawani ng ospital na tumakas ito.

Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang malaman kung may foul play na naganap sa insidente. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments