Sundalo vs pulis: 2 patay, 2 sugatan

Nasawi ang isang sundalo at tricycle driver, habang nasugatan naman ang isang pulis at isa pang bystander makaraang magpalitan ng putok ng baril ang sundalo at pulis, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.

Nakilala ang mga nasawi na sina Woddy Deloviar, miyembro ng Phil. Army at Frederick Dayoc, 27, tricycle driver.

Samantalang ginagamot naman sa FEU Hospital ang mga sugatang sina PO1 Ramon Ramos, ng Caloocan City Police at Christopher Jamile, 23.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-3 ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Phase 3, Package 2, Bagong Silang, Caloocan City.

Nauna rito, humingi ng police assistance ang mga residente sa naturang lugar dahil umano sa ginagawang pananakot ng sundalong si Deloviar habang hawak nito ang isang kalibe .38 baril.

Dito na nagresponde ang pulis na si PO1 Ramos kung saan nang makita ito ng suspect ay agad na nagpaulan ng bala kung saan tinamaan agad si PO1 Ramos, Jamile at Dayoc.

Bagamat sugatan ay nakaganti rin ng pagpapaputok ng baril si PO1 Ramos kung saan tinamaan ang suspect na naging sanhi ng kamatayan nito. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments