Nakilala ang mga suspect na sina Henry Banzuela, 38, at Alfonso Boquio, 35, kapwa deputized traffic enforcer ng Western Traffic Bureau ng Manila City Hall.
Sa ulat ng pulisya, nadakip ang dalawa dakong alas-8:50 ng gabi sa may kahabaan ng V. Mapa St., Sta. Mesa habang nasa aktong kinokotongan ang taxi driver na si Malenio Carranza II.
Ayon sa pulisya, matagal na silang nakakatanggap ng reklamo buhat sa mga motorista at sa PNP Txt 2920 sa talamak na kotong operation ng dalawang enforcer kaya nagsagawa sila ng entrapment operation.
Kinasabwat ni SPO4 Noel Cabuwat ng WPD-Station 8 si Carranza na isakay siya. Sinadya nilang tawirin ang panulukan ng V. Mapa St. at R. Magsaysay Blvd. kahit na naka-pula ang traffic light. Dito na sila pinara ng enforcer na si Boquio.
Nang makitang expired na at hindi ID type ang kanyang lisensya, dito na humingi ng lagay sina Boquio at Banzuela. Tumanggi naman ang mga ito sa halagang P200 na iniaalok ni Carranza dahil sa patung-patong umano ang kanyang violation.
Agad na kumilos si Cabuwat at iba pang kasamahang pulis na nag-aabang kung saan kanila nang dinamba ang dalawa.
Itinanggi naman ng dalawa ang paratang sa kanila sa kabila ng pagkakahuli sa akto. (Ulat ni Danilo Garcia)