Sa ginanap na press briefing kahapon sa Camp Aguinaldo, iniharap ng mga opisyal sa pangunguna ni NAKTAF Chief Angelo Reyes ang nasakoteng suspect na si Pecasiano Tagle, 38, tubong Bacoor Cavite.
Si Tagle ay may patong na P.5 M sa ulo at Brgy. Captain sa Brgy. Mambog II, Bacoor, Cavite.
Ayon kay Reyes, si Tagle ay nadakip dakong alas-5:20 ng umaga sa pinaglunggaan nito sa Sitio Manggahan, Pulo, San Miguel, Bulacan.
Napag-alaman na si Tagle ay may standing warrant of arrest na inisyu noong Setyembre 23, 2003 ni Judge Pedro de Leon Gutierrez ng Regional Trial Court-NCR Branch 119 ng Pasay City sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Sa rekord ng NAKTAF, si Tagle ay sangkot sa pagkidnap kay Marianne dela Rosa, anak na babae ng may-ari ng dela Rosa Transit at residente ng Biñan, Laguna na dinukot noong Marso 27, ng nagdaang taon sa may A. Bonifacio St., Brgy. Canlalay, Biñan, Laguna.
Ang biktima ay kasalukuyang patungo sa kanilang tanggapan sakay ng kanyang Honda Civic nang harangin at puwersahang tangayin ng mga armadong kalalakihan.
Humingi ang mga kidnappers ng P15 milyong ransom na naibaba sa halagang P2.7 M na naibayad naman ng pamilya ng biktima sa mga kidnappers. Gayunman ay nakatakas ang biktima sa kanyang mga abductors. (Ulat ni Joy Cantos)