Krimen sa MM bumaba ng 50 porsiyento

Bumaba ng mahigit 50% ang krimen sa Metro Manila kaugnay ng pinalakas na kampanya laban sa kriminalidad matapos ilatag ng National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) ang mga checkpoints.

Ito ang buong pagmamalaking tinuran kahapon ni NAKTAF Chairman Angelo Reyes sa ginanap na press briefing kahapon sa AFP-Reserve Command sa Camp Aguinaldo.

Iginiit ni Reyes na nagbunga rin ang kampanya kontra kidnapping dahil sa nakalipas na linggo ay walang naitalang kaso ng kidnapping.

Nabatid na ang matagumpay na kampanya kontra-kriminalidad ay bunsod ng 11 checkpoints, 21 mobile checkpoints at 253 patrol beats na nagmamanman sa mga lugar sa Metro Manila.

Sinabi ng mga opisyal na sa pagpapatupad ng checkpoint/checkpoint inspections mula Disyembre 8 hanggang 14 ay umaabot sa 249 walang plakang mga behikulo ang kanilang nasabat, 1,198 ang heavy tint, 15 ang may blinkers at sirena gayundin 795 naman kahina-hinalang mga indibidwal ang naisailalim sa imbestigasyon.

Gayundin, nasakote ang 11 katao na pawang may mga standing warrant of arrest kaugnay ng kinakaharap ng mga itong kasong kriminal at nakasamsam din ng mga armas at patalim.

Samantala, inihayag ni Reyes ang plano ng NAKTAF na maglagay na rin ng checkpoints sa Region III at IV para masawata ang kriminalidad sa nasabing mga lugar na malapit lamang sa Kamaynilaan habang susunod na rin ang iba pang lugar sa bansa. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments