2 biktima ng salvage natagpuan

Dalawang bangkay ng lalaki kabilang dito ang isang menor de edad ang hinihinalang nilikida ng ‘vigilante group’ ang natagpuan sa magkakahiwalay na lugar, kamakalawa ng gabi sa Navotas at Malabon City.

Nakilala ang unang biktima na si Eduardo Gerisamo, 17, residente ng R-10 Linchangso St., North Bay Boulevard, Navotas.

Natagpuan ang biktima dakong alas-7 ng gabi sa isang bakanteng lote sa kahabaan ng R-10 Navotas na may tama ng bala ng baril sa batok. Ang ikalawang biktima ay natagpuan naman dakong alas-3:55 ng madaling-araw sa kahabaan ng J. Borromeo St., Barangay Longos, Malabon City.

Nakasuot ito ng puting t-shirt at maong pants at tinatayang nasa edad na 25 hanggang 30, katamtaman ang pangangatawan at may taas na 5’8 talampakan. Binurdahan naman ito ng saksak sa katawan habang nakatali ang kamay at paa at may piring sa mata. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments