Sparring partner ni Pacquiao nangholdap

Isang boksingero na hindi sumikat sa nasabing larangan ang naaresto ng pulisya makaraang holdapin nito ang isang saleslady, kamakalawa sa lungsod ng Mandaluyong.

Ang suspect na nakapiit ngayon sa Mandaluyong detention cell ay kinilalang si Cirillo Aberlanoza, 24, tubong Gen. Santos City at residente ng 104 Gen. Kalentong St. ng nasabing lungsod makaraang holdapin nito at kunin ang cellphone ng biktimang si Dina Layunon, 21.

Batay sa ulat, dakong alas-10 ng gabi nang maganap ang insidente habang binabagtas ng biktima ang kahabaan ng Mendoza St. nang bigla umano itong tutukan ng patalim sa leeg ng suspect at kunin ang kanyang 3210 na cellphone at pagkatapos ay mabilis na tumakas.

Agad na nagsumbong sa pulisya ang biktima na agad namang nagsagawa ng follow-up operation.

Nahuli ang suspect sa isang bilyaran malapit sa lugar na pinagholdapan.

Nabatid na ang suspect ay dating sparring partner ni IBF Super Bantamweight Champion na si Manny Pacquiao na nakipagsapalaran sa Maynila ngunit hindi ito sumikat kaya napilitang mangholdap. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments