Nakapiit ngayon sa tanggapan ng PDEA ang suspect na si Sonny Sy Aguinaldo, residente ng Makati Avenue, Makati City, habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act na isasampa laban dito.
Batay sa spot report na isinumite ni PO2 Antonio delos Reyes, team leader ng naturang operasyon dakong alas-12:15 ng madaling-araw nang madakip ang suspect sa North Park Restaurant, Makati City.
Nagpanggap na buyer ang isang operatiba ng PDEA at nang tanggapin na ni Sy ang marked money ay kaagad itong dinampot ng mga awtoridad.
Narekober sa suspect ang 10 piraso ng ecstacy at 2 pirasong P500 marked money at isang itim na Honda Accord na may plakang UGM-628.
Nabatid na matagal nang minamanmanan ng mga awtoridad si Sy na kasama umano sa listahan ng mga kilalang drug pusher. (Ulat ni Doris Franche)