2 holdaper tiklo

Dalawang lalaki ang inaresto ng mga operatiba ng Western Police District matapos na umano’y holdapin ang isang negosyanteng Tsinoy sa Binondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang mga suspect na sina Michael dela Cruz alyas Daga, 23 at Florante Bacunawa, 38, isang vendor, pawang nakatira sa 1135 Claro M. Recto Avenue, Sta. Cruz, Manila.

Ayon kay SPO4 Edgardo Lopez ng Binondo Police Station, habang naglalakad ang biktima na si Jackie Sy, 24, ng 1258 Bambang St., Sta. Cruz nang bigla na lamang lapitan ng mga suspect bandang alas-2 ng madaling-araw.

Nakatunog ang biktima na hoholdapin siya kaya mabilis itong naglakad patungo sa Reina Regente St. subalit nasukol ng dalawa hanggang sa sapilitang kunin ang kanyang wallet na naglalaman ng P5,000 cash.

Nagkataong napadaan ang ilang elemento ng Special Weapons and Tactics sakay ng isang van sa naturang lugar at naispatan ang nagaganap na panghoholdap sa biktima kaya agad na rumesponde.

Mabilis na tumakbo ang mga suspect patungo sa Estero de Magdalena subalit matapos ang ilang minutong habulan ay nasukol din ang mga ito. (Ulat ni Mike Frialde)

Show comments