Van vs taxi: Lolo patay, 9 grabe

Isang lolo ang nasawi, samantalang siyam pa ang malubhang nasugatan kabilang ang 4-anyos na paslit makaraang magsalpukan ang isang van at taxi kahapon ng madaling araw sa Makati City.

Hindi pa mabatid ang pangalan ng lolo na hindi na umabot pang buhay nang isugod sa Ospital ng Makati.

Samantala, ang siyam na sugatan naman ay nakilalang sina Jupiter Garcia; Trixta Joy Terania; Moriel Terania; Noel Cesar; Alexander Tolentino; Annielyn Cesar; Viviana Dacara; Jennifer Cesar at isang nagngangalang Maribeth.

Base sa ulat naganap ang insidente dakong alas-4 kahapon ng madaling araw sa kahabaan ng South Super Highway sa panulukan ng Gil Puyat Avenue, Makati City.

Nabatid na minamaneho ng nasawi ang isang KIA Besta Van sakay ang walong sugatang biktima nang bumangga sa taxi na minamaneho naman ni Garcia.

Nabatid na nasa tamang lane ang van buhat sa Bicol patungo sa Maynila nang banggain ito ng ng taxi na patungo naman sa South Luzon Expressway.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments