Pulis patay sa kabaro

Isang pulis ang binaril at napatay ng kapwa niya pulis matapos ang mainitang pagtatalo, sa loob mismo ng sinasakyan nilang Toyota Revo, kahapon ng madaling araw sa Muntinlupa City.

Hindi na umabot pang buhay nang isugod sa Ospital ng Muntinlupa ang biktima na nakilalang si SPO1 Norwell Corpuz, kasalukuyang nakatalaga sa Police Security Protection Office (PSPO) sa Camp Crame sanhi ng maraming tama ng bala ng baril na tinamo sa katawan.

Samantala, sumuko naman sa pulisya ang suspect na nakilalang si SPO4 Miguel Nepomuceno, 50, na nakatalaga naman sa National Capital Regional Police Office (NCRPO).

Ang dalawa umano ay kapwa dating magkasama sa binuwag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF).

Base sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente sa kahabaan ng Alabang-Zapote Road, Brgy. Alabang ng nabanggit na lungsod.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspect at biktima habang ang mga ito ay nakasakay sa isang Toyota Revo kasama pa ang dalawang pulis na sina PO2 Edgardo Mangulabnan, 33 at PO1 Raul Ballado, 32, kapwa nakatalaga sa PSPO.

Sa hindi malamang dahilan naging mainitan ang komprontasyon ng biktima at suspect hanggang sa pagbabarilin at mapatay ni Nepomuceno ang biktimang si Corpuz.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa naganap na krimen para matiyak kung ano ang motibo sa isinagawang pagpaslang sa biktima. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments