2 adik nag-amok, karpintero utas, 2 pa grabe

Isang 67-anyos na karpintero ang namatay habang dalawang estudyante ang malubhang nasugatan nang mag-amok ang dalawang lalaki na sabog sa droga kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Ang biktima na namatay habang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sanhi ng isang saksak sa dibdib ay nakilalang si Roberto Marcellana ng 525 Benito St., Gagalangin, Tondo.

Nakilala naman ang mga sugatang sina May Manalad, 22, ng #2804 M. Pascua St., Gagalangin, Tondo at Joseph Ferniza, 24, kapwa estudyante ng City College of Manila.

Naaresto ang nag-amok na suspek na nakilalang si Alvin Cuenca, 21, ng #518 Benito St., ng naturan ding lugar habang tinutugis pa ng pulis ang kasamahan nito na nagngangalang Bernard.

Nabatid na lumabas si Marcellana sa kanyang bahay kasama ang dalawang nasugatang biktima para magpahangin at magkuwentuhan nang dumating ang suspek at sa di-malamang dahilan ay nagsimulang maghamon ng away.

Sa puntong ito, binunot ng mga suspek ang kanilang patalim at agad na sinaksak sa dibdib ang biktima at nang tangkaing awatin nina Manalad at Ferniza si Cuenca, sinaksak din ang mga ito. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments